Ipinaliwanag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kung bakit sa National Bureau of Investigation (NBI) himingi ng dagdag na security ang pamunuan ng GSIS at hindi sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa kalihim, sa NBI na humingi ng tulong si GSIS President at General Manager Wick Veloso dahil nakadeploy na ang mga tauhan ng PNP sa mga rally sa labas ng Senado.
Aniya, tinatayang nasa 1,000 pulis ang nakadeploy sa harapan ng Senado compound. Sa kasong ito, naisip umano ng GSIS general manager na mas mainam na ang NBI ang magbantay sa lugar base sa kanilang kapasidad.
Subalit, iginiit din ni Remulla na walang distinction sa pagitan ng PNP at NBI dahil pareho naman umano ang dalawa na law enforcement officials.
Inisyal din aniyang humiling ng dagdag na security si Veloso dahil ang housed artworks ng tanggapan ay nagkakahalaga ng bilyun-bilyong peso.
Gayundin, ipinaliwanag ni Remulla na minabuti ng pamunuan ng GSIS na ang NBI ang mag-secure sa gusali matapos manawagan si Senador Ronald dela Rosa ng “People Power” at para maiwasan na rin ang spill-over sa katabing gusali sakaling magkaroon ng gulo.
Nilinaw din na wala sa kabuuang 29 na NBI agents na ipinadala sa Senate compound ang pumasok sa loob ng Senado at hindi rin nakasuot ng tactical gear.
Sinabi rin ni Remulla na ang drilling work sa unang palapag para i-“fortify” ang pintuan sa pagitan ng GSIS at Senate ay coordinated sa security personnel ng Senado.
Sa huli, base sa anim na araw na isinagawang imbestigasyon, inihayag ni Remulla na hindi inatake ang Senado base sa nakalap na mga ebidensiya.
















