Isusulong ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na maisama sa 2023 budget ang pagpopondo sa digitalization ng pamamahagi ng ayuda ng DSWD.
Kasunod na rin ito nang naging hamon sa ahensya nang simulan ang pamamahagi ng kanilang student aid program nitong Sabado.
Ayon kay Salceda itutulak niya ang paglalagay ng probisyon sa bubuuing 2023 general appropriations bill para sa isang digital transformation program para sa DSWD, katuwang ang DICT at Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa pamamagitan nito, bubuo ng isang digital transformation and user experience unit para i-digitize ang kanilang record, i-upgrade ang client service at solusyunan ang butas sa pagpapatupad ng social welfare programs ng ahensya.
Punto ng mambabatas, ipinapasa parati sa DSWD ang social benefit component o pamamahagi ng mga assistance ngunit hindi naman ito natutulungang palakasin ang kapasidad para mapadali ang pag-papa-abot ng ayuda.
Mahalaga rin aniya na tumulong ang ibang ahensya ng pamahalaan ng gaya ng SSS at Philhealth sa pagbabahagi ng kanilang database, National ID para sa targeting at ang Bangko Sentral ng Pilipinas para sa payment system.
Isa sa inihalimbawa ng mambabatas ay ang inilunsad na Small Business Wage Subsidy program noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan pinadali ang proseso ng validation, digitalize recording at distribution.