Isinusulong ng grupo ng digital advocates ang digital payout ng financial assistance o ayuda mula sa gobyerno.
Ito ay matapos magdulot ng kaguluhan at kalituhan sa mga magulang at mag-aaral na maagang pumila para sa unang araw ng pamamahagi ng educational assistance sa central office ng DSWD sa Batasan Hills sa Quezon City at sa ilang regional at provincial offices ng ahenisya sa ibat ibang lugar sa bansa.
Ang naturang educational financial assistance ay inilaan para sa pangangailangan ng mga mahihirap na estudyante gaya ng school supplies, uniform at ibang kailangan ng mga ito kasabay ng muling pagbabalik ealwela sa darating na Lunes, August 22.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo na kailangang palakasin ng pamahalaan ang paggamit ng e-money services para sa government financial assistance program upang maiwasan ang overcrowding at stampedes sa tuwing may ipinapamahaging ayuda mula sa gobyerno.
Dapat aniya na natuto na ang ahensiya mula sa dating mga karanasan noon sa kasagsagan ng pamamahagi ng covid-19 pandemic financial assistance.
Inirekomenda din ni Gustilo na dapat na gawing desentralisado ng DSWD ang application sites upang mas maging convenient at mas maging makatao ang proseso ng pamamahagi para sa mga applicants.
Hinimok din ng grupo ang pamunuan ng DSWD na gamitin ang digital technology sa kanilang programa para maiwasan ang anumang untoward incidents na maaaring mag-iwan ng lamat sa magandang adhikain ng mga programa ng ahensiya.
Una rito, bago pa man maitalaga bilang kalihim ng DSWD, isa sa top priority na tinukoy ni Secertary Erwin Tulfo ang digitalization sa pamamahagi ng cash aid mula sa gobyerno.
Ito rin aniya ang marching orders ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kalihim para matiyak na mabilis na maibibigay ang government aid para sa mga intended beneficiaries.










