Pumirma ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng isang kasunduan sa isang Japanese telecommunications firm para sa pagpapalawak ng Philippine Domestic Submarine Cable Network (PDSCN) project.
Ang pakikipagtulungan sa IPS Inc. at sa kaakibat nito na InfiniVAN Inc., ay inihayag ng kalakip na ahensya ng DICT, ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), na may layuning palawakin ang undersea cable network ng bansa at pagpapabilis ng digital transformation.
Dumalo sina DICT Secretary Ivan John Uy at CICC Executive Director Alexander K. Ramos sa signing ceremony, na ginanap sa Tokyo, Japan.
Binigyang-diin ni Uy ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng DICT sa pribadong sektor sa usapin ng regional connectivity ng bansa.
Aniya, ang network na ito ay nakahanda upang gumanap ng isang papel sa pagpapahusay ng pangkalahatang katatagan ng imprastraktura sa Pilipinas.
Ang kasunduan ay nakapaloob sa investment na nagkakahalaga ng $150 milyon o humigit-kumulang P8.5 bilyon para sa 2023 hanggang 2024 sa proyekto ng isang 2,500-kilometers undersea cable network na nag-uugnay sa mga pangunahing lungsod at tourist hub ng Pilipinas.