Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko hinggil sa mga indibidwal na nagkukunwari bilang courier service personnel at pinipilit ang kanilang mga biktima na bayaran ang packages na hindi naman nila pinabili.
Ayon sa DICT, nakatanggap sila ng ilang sumbong na mayroong mga indibidwal na nagpapakilala bilang delivery personnel ng Private Express and/or Messengerial Delivery Service (PEMEDES) o courier service operators.
Kaya payo ng kagawaran sa mga posibleng makaranas ng modus na ito na huwag tanggapin ang packages na hindi naman binili o ng mga kasama sa bahay.
Dapat berepikahin din ang transaksyon at kontakin ang pangalan ng recipient na nakalagay sa package.
Sakaling order mo nga ang dumating, ayon sa DICT, kaagad silipin ang nilalaman ng package kung ito nga ba ang binili mo o para sa iyo nga yung dumating na package.
Kung maari, i-record ang sarili habang binubuksan ang package para kung mali man ang nilalaman nito, maaring gamitin ito bilang ebidensya.
Dapat ay kunin din ang office I.D. o ang detalye ng delivery personnel para matiyak na sila ay legitimate na empleyado, ayon sa DICT.