-- Advertisements --

DAVAO CITY – Idineklara na ng Davao City Health Office na nakakaranas ng Diarrhea outbreak ang Toril District dito sa lungsod ng Davao kung saan nasa limampung pasyente na ang nakakaranas ng acute gastroenteritis.

Kinumpirma ng hepe ng Davao CHO na si Dr. Ashley Lopez na nasa labing dalawang baranggay ang apektado nito. Kinabibilangan ito ng Barangay Bato, Toril Proper, Crossing Bayabas, Lubogan, Mulig, Daliaon Plantation, Tungkalan, Daliao North, Daliao South, Lizada fish port, Lizada Kurbada at Binugao.

Napag-alaman na noon pang July 15 nagsimula ang outbreak at mas domoble pa ang bilang ng mga pasyente na na-admit sa mga pribadong ospital noong July 16. Dahil dito, agad na nagsagawa ang nasabing ahensya ng imbestigasyon sa nasabing areas.

Dagdag pa ni Dr Lopez na nasa apat naput tatlong kaso ang natala kung saan pinakabatang pasyente ay isang 6 months old na baby at ang pinakamatanda naman ay nasa apat napung taong gulang.

Hinihintay pa ngayon ang resulta ng isinagawang water sampling dahil isa sa pinaghihinalaang dahilan nito ay ang water system ng nasabing area lalo na at madalas ang nararanasang pag-ulan at pagbaha noong nakaraan dito sa Davao City.

Maliban dito, dagdag pa ni Dr. Lopez na maliban sa water sources, kabilang din sa kanilang ini-imbestigahan ngayon ang binebentang street foods partikular na ang tapioca kung saan base na rin ito sa naging pahayag ng mga pasyente.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng Davao CHO.