-- Advertisements --

Itinuturing ngayon ni Department of Education (DepEd) Sec. Lenor Briones na napagtagumpayan na ng bansa ang banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) kasabay ng pagbubukas ng school year (SY) 2020 – 2021 ngayong araw.

Sa mensahe ni Briones sa mahigit 24 milyon na mga mag-aaral na makikiisa sa distance at blended learning systems ng DepEd bunsod ng COVID-19 pandemic, sinabi nitong hindi nila hahayaang masira ang edukasyon at kinabukasan ng mga bata dahil sa banta ng nakamamatay na virus.

Nangako itong hindi nila pababayaan ang mga estudyanteng sasailalim sa iba’t ibang learning modalities sa gitna ng pandemya na dulot ng covid.

“Today, October 5, 2020, we open our schools. Today, we claim victory over the destroyer, COVID-19,” ani Briones.

Kasabay nito, inihalimbawa pa ni Briones ang mga magigiting nating bayani na ginawa ang lahat para mapagtagumpayan ang kanilang mga laban para sa kabutihan ng ating bansa.

Ito raw sana ang maging inspirasyon ng mga kabataan para ipagpatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral kahit may humaharang na banta sa kanilang kinabukasan.