-- Advertisements --
DFA1

Umaasa ang department of Foreign Affairs (DFA) na magkakasundo ang Israel at Egypt para sa ligtas na labasan ng mga banyagang naipit sa nangyayaring giyera sa pagitan ng Israel at militanteng Hamas.

Kaugnay nito, target ng Embahada ng Pilipinas sa Cairo, Egypt na kunin ang mga Pilipino sa Rafah na tatawid sa border ng Egypt at Gaza para sa ligtas na exit.

Sinabi naman ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na umaasa silang maging matagumpay sa lalong madaling panahon ang diplomatic efforts ng international community para mapapayag ang Egypt at Israel para sa ligtas na daraanan ng foreign nationals palabas ng Gaza.

Sa nakalap ding impormasyon, ang checkpoint sa pagitan ng Egypt at Rafah ay ang tanging ruta palabas ng Gaza na hindi kontrolado ng Israel.

Kung saan opisyal na sinabi naman ng Egypt na bukas ang panig nito na tumanggap ng refugee subalit natigil nang ilang araw dahil sa mga strike ng Israel.

Pinaigting din ang pwersa ng Egypt sa border nito at inihayag na walang intensyon na tanggapin ang pagdagsa ng mga refugee.

Base din sa mga nakasaksi, ang mga kongkretong bloke na inilagay ng mga Egyptian para paigtingin ang seguridad sa border kasunod ng mga pambobomba ng Israel ay nakalagay pa rin na nangangahulugang hindi ikinokonsidera ang pagkakaroon ng daanan para sa mga refugee sa lalong madaling panahon.

Magugunita na noong nakalipas na Sabado, pinayuhan ng Israel ang mga residente sa Gaza na lumikas mula sa hilagang bahagi ng Gaza strip bago ang nakaambang malawakang ground offensive ng Israel Defense Forces sa kuta ng militanteng Hamas.

Sa datos ng DFA, bagamat walang mga Pilipino sa Gaza city at sa northern Gaza, mayroong 30 Pinoy ang nananatili pa rin sa ibang parte ng Gaza na hindi pa rin nakapagpasya na lumikas patungong Egypt dahil may mga asawang Palestinian at mga anak.

Sa kasalukuyan, bumaba na sa 3 Pilipino ang nawawala habang 3 na ang nakumpirmang nasawi sa giyera sa Israel.