-- Advertisements --
image 179

Umaasa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na makakalaya na ang 17 Filipino seafarers na kasalukuyang hostage ng mga rebeldeng Houthi sakay ng barko sa Red Sea.

Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, kumpiyansa ito na mapapalaya na ang mga Pinoy ilang oras na lamang dahil magkakaroon ng truce. Aniya, nakikipag-ugnayan ang DFA sa mga gobyerno patikular na ang Japan upang tuluyang mapalaya ang 17 Filipino seafarers. Isang Japanese company kasi aniya ang nagmamay-ari ng barko.

Sinabi ni De Vega na ang Pilipinas ay nakikipag-usap at nakikiisa sa ibang mga pamahalaan sa pagharap sa sitwasyon na inamin niyang tila isang political hostage-taking na sitwasyon.

Sinabi rin ni de Vega na ang mga rebeldeng Houthi ay hindi humihingi ng ransom o anumang bagay na tulad nito ngunit idineklara nila na hahawakan nila ang mga hostage hangga’t sinasakop at sinasalakay ng Israel ang Gaza.

Sa ngayon, ginagawa ng DFA ang lahat ng kanilang makakaya upang tuluyang mapalaya ang mga hostages na Filipino seafarers.