Tiniyak ng DFA ang buong suporta nito sa PCG kasabay ng pagbisita ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa national headquarters ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Port Area, Manila para talakayin ang mga kamakailang isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Si Manalo ay malugod na sinallubong ni PCG Commandant Adm Artemio Abu kung saan napag-usapan nila ang kamakailang resupply mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sinuportahan ng PCG sa Ayungin Shoal.
Sa isang panayam, sinabi ng tagapagsalita ng PCG na si Rear Adm. Armando Balilo na idiniin ni Manalo ang kahalagahan ng pagsisikap ng dalawang ahensya sa pagpapanatili ng diplomatikong relasyon nito sa China sa gitna ng agawan sa teritoryo.
Aniya, ang coast guard ay isang instrumento ng white-to-white ship diplomacy.
Kinilala rin ni Manalo ang PCG bilang mata at tainga ng mga Pilipino upang malaman kung ano ang nangyayari sa West Philippines Sea.
Pinasalamatan din ng opisyal ang PCG sa kanilang dedikadong serbisyo sa pagtataguyod ng maritime security at kaligtasan sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Upang higit pang mapabuti ang kakayahan ng PCG, tiniyak din ni Manalo kay Abu na ganap na susuportahan ng DFA ang pagkuha ng coast guard ng mga karagdagang sasakyang pandagat, makabagong pasilidad, at kagamitan.