Hiniling ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo kay Foreign Minister to Indonesia Retno Marsudi ang paggawad ng executive clemency para sa OFW sa Indonesia na si Mary Jane Veloso na nasa death row dahil sa kasong drug trafficking.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes na nakipagpulong si Secretary Enrique Manalo kay Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi sa Jakarta noong Linggo upang pormal na humingi ng clemency.
Nangyari ang pagpupulong sa sideline ng state visit sa naturang bansa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa DFA, sinabi ni Marsudi na sasangguni siya sa kanilang Ministry of Justice kaugnay sa naturang usapin.
Matatandaan na si Veloso ay naaresto noong 2010 dahil sa umano’y pagpuslit ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia. Itinanggi niya ang mga akusasyon at sinabing niloko siya ng kanyang mga recruiter na nagdala ng mga droga na ipinuslit umano sa kaniyang maleta.
Hindi natuloy ang pagbitay sa kaniya ng firing squad noong Abril 2015 matapos na mailigas dahil sa pag-kaaresto sa kaniyang mga recruiter sa Pilipinas.
Kasalukuyang nakakulong si Veloso sa Wonosari Women’s Penitentiary sa Yogyakarta.










