
Ginisa ng mga Senador ang opisyal ng Department of Foreighn Affairs (DFA) dahil walang naabsweltong overseas Filipinos mula sa kanilang kinakaharap na kasong kriminal sa first half ng 2022 mula Enero hanggang Hunyo.
Sa isinagawang pagdinig sa Senate Committee on migrant workers, ibinahagi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na base sa report mula sa DFA lumalabas na walang napawalang-sala na OFWs mula sa 1,278 indibidwal na nahatulan sa first half ng 2022.
Sa pagharap naman ni DFA Undersecretary Eduardo Jose De Vega kinumpirma niya ang naturang datos subalit ipinaliwanag na hindi pa siya ang nakaupong Undersecretary sa naturang period.
Dagdag na paliwanag pa ni De Vega na madalas naaayos naman agad ang mga isyu sa OFWs at hindi na humahantong sa pagsasampa ng kaso.
Ayon naman kay Senator Villanueva na hindi katanggap-tanggap ang naturang sitwasyon.
Ikinalungkot naman ng panel chairperson na si Senator Raffy Tulfo ang zero acquittals sa mga OFWs.
Aniya, maaaring mahina ang mga abogadong nakuha ng DFA para idepensa ang mga kababayan nating Pilipino na nagtratrabaho sa ibang bansa na may problema.
Iginiit naman ni De Vega na nakakatanggap naman ng legal assistance ang mga OFWs na nahaharap sa kaso.
Sa ngayon, pinag-uuspan na ng Senate Committee ang hakbang na naglalayong mapalawig pa at makapagbigay ng libreng legal services para sa mga OFW.










