-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kasamang uuwi ng ilang Pinoy mula Wuhan City, China, na boluntaryong nagpa-repatriate, ang kanilang mga asawa.

Sa isang panayam sinabi ni DFA Usec. Brigido Dulay, kabilang sa 56 na indibidwal na uuwi ng Pilipinas ang pitong asawa at apat na bata.

Ilan umano sa mga ito ay foreign nationals, kung saan may isang Chinese at British.

Ngayong gabi naka-schedule ang flight ng nasabing bilang, at inaasahang darating bukas ng umaga sa Clark International Airport.

Una ng inilatag ng Department of Health ang protocol sa pagdating ng mga Pinoy mula Hubei province na dadalhin sa New Clark City Athlete’s Village bilang quarantine facility.