Tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) na maisusumite na kay Pangulong Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr., sa katapusan ng taon ang development plan ng Pilipinas para sa susunod na taon hanggang 2028.
Ayon kay NEDA Assistant Secretary Sarah Daway-Ducanes, sesentro sa paglikha ng trabaho at paglaban sa kahirapan ang ikinakasang Philippine Development Plan para susunod na anim na taon.
Aniya, nagsisimula na rin nilang buuin ang nasabing plano na aniya’y nakabatay sa “Ambisyon Natin 2040.”
Ito ay para sa isang matatag, maginhawa at panatag na buhay para sa bawat Pilipino.
Sa hanay ng job creation, magpo-pokus aniya dito ang pagkakaroon nang malinaw na innovation system na magdudulot ng mga panibagong ideya, produkto, at proseso para sa pagkakaroon ng economic transformation sa bansa.
Samantala, mahahati naman aniya sa tatlong main areas ang pagtugon sa kahirapan.
Ito ay ang pagbubukas ng ekonomiya, mas maraming investments sa human capital, social development, at social protection, habang ang isa pang target ay ang makalikha ng mas mataas pang kalidad na trabaho para sa mga Pilipino.