-- Advertisements --

Hindi na kasama ang SSS at GSIS sa mga government financial institution (GFI) na magbibigay ng pondo para sa panukalang Maharlika Wealth Fund.

Ito ang inihayag ni Marikina Rep. Stella Quimbo, isa sa mga may-akda ng panukala.

Nagpulong kahapon ang House leaders at economic manager kung saan napagkasunduan na hindi na isama ang SSS at GSIS upang maalis na ang pangamba at agam-agam ng publiko lalo na ng mga miyembro ng SSS at GSIS.

-- Advertisement --

Hindi na rin kasali ang National Budget sa pagkukunan ng paunang pampondo ng MWF.

Sinabi ni Quimbo ang matitira na lamang ay ang Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines at dibidendo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa darating na Biyernes, isasalang ang MWF Bill sa Committee on Appropriations at dito na rin mabatid kung magkano ang magiging halaga ng kontribusyon ng natitirang Government Financial Institutions.

Ayon sa economist solon mainam na nakapagsagawa ng konsultasyon hinggil sa panukala dahil napakinggan ang pangamba ng publiko hinggil sa panukala.

Binigyang diin ni Quimbo na tanging layunin ng Maharlika Investment Fund ay para pa rin sa pagpapaunlad ng bansa at benepisyo ng mga Pilipino.

Naniniwala ang mambabatas na hindi maaapektuhan ang layunin ng panukala matapos di isinama ang SSS at GSIS.

Samantala, naniniwala si Quimbo na kailangan na baguhin ng gobyerno ang pamamaraan ng paglikom ng pondo upang tuluyang ma- modernisa ang Pilipinas.

Paliwanag ni Quimbo ang MWF ang magsisilbing game changer” para makalikom ng mas mataas na pondo na magagamit sa big ticket projects ng pamahalaan.

Ipinunto ni Quimbo ang umiiral na Dividends Law kung saan kalahati ng kita ng government financial institutions (GFIs) ay mapupunta sa National Government.

Aniya kung pagsasamahin ang investible funds ng mga GFI sa MIF, ay inaasahang mas malaki ang kikitain at mas mabilis na mapapalago ang pondo ng pamahalaan.

Dagdag pa ng Marikina solon, hindi sapat ang pagtaas lamang sa National Budget kada taon dahil mananatiling unfunded ang marami sa mga malalaking proyekto.