-- Advertisements --

Hinamon ni House Deputy Speaker David Suarez si Senate President Juan Miguel Zubiri na kumalap ng sapat na boto para sa economic Charter Change.

Ang pahayag ni Suarez ay kasunod sa naging pahayag ni Senator Cynthia Villar na hindi bababa sa pitong senador ang boboto ng kontra sa Cha-Cha, kasama ang ilang kaalyado ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Suarez na sila sa Kamara ay hindi na kailangang tanungin dahil tiyak aniya na may sapat na boto para sa Resolution of Both Houses no. 7.

Buong-buo rin aniya ang suporta ng Kapulungan kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Pres. Marcos Jr.

Kaya ayon kay Suarez, nasa kamay na ni Zubiri na ipakita ang kanyang “leadership” at makakuha ng sapat na numero para maaprubahan sa Senado ang Resolution of Both Houses no. 6.

Dagdag niya, kung talagang kaalyado ang mga senador ng administrasyon, patunayan ito at suportahan ang pagnanais ni Pang. Marcos Jr. na maamyendahan ang 1987 Constitution.