Malabo pa ring makapasa sa Senado ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR), sa kabila ng pag-certify dito ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang priority measure.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, mula sa mayora at minorya ng mga senador, hindi sila naniniwalang ang paglikha ng panibagong departamento sa gobyerno ang solusyon sa malaking problema ukol sa mga dumarating na kalamidad.
Una nang naghain ng panukala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na palakasin na lang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kaysa lumikha na naman ng bagong ahensya na paglalaanan ng milyon-milyong pondo.
Para kay Drilon, tama ang hakbang ng administrasyon na italaga si Executive Sec. Salvador Medialdea para sumubaybay sa task force na kumikilos para sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.










