ILOILO CITY – Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na hindi kargado ng formalin ang mga smuggled carrots mula China na baha ngayon sa mga pamilihan sa Benguet.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes, sinabi nito na wax lang ang nilalagay sa mga produkto upang kuminis at tumagal ang shelf life nito.
Napag-alaman na ang ang preskong carrots ay nalulusaw o nabubulok sa loob lamang ng ilang araw hindi kagaya sa mga smuggled na tumatagal ng ilang araw at sadyang makinis pa ang itsura.
Una nang sinabi ni Agot Balanoy ng Highland Farmers Cooperative, sa hybrid hearing ng Senate Committee of the Whole na sadyang talamak ang suplay ng carrots sa bawat pamilihan sa kanilang lugar at itinuturing nila itong smuggled kung saan P2.5 million bawat araw ang nawala sa kita ng mga magsasaka.
Napag-alaman na walang kapangyarihan ang DA na magkumpiska ng mga smuggled goods dahil nakatoka umano ito sa Bureau of Customs.