Inihayag ni Department of Education spokesperson, Undersecretary Michael Poa, na wala pa silang natatanggap na bagong ulat mula sa Schools Division Office sa Antipolo City.
Ito ay sa kabila ng anunsyo ng PNP Forensic Group at Antipolo City Police Station na natapos na ang isinagawang autopsy at histopathological examination sa mga labi ng Grade 5 pupil na si Francis Jay Gumikib na nasawi matapos ang umano’y pananampal ng kaniyang guro.
Pag-amin ni Poa, hanggang sa ngayon ay hinihintay pa nila ang isusumiteng ulat ng Antipolo City Schools Division Office ukol dito dahil tanging sa mga balita lamang aniya nila narinig na mayroon nang resulta ang isinagawang pagsusuri sa mga labi ng biktima.
Samantala, bukod dito ay nilinaw naman ng opisyal na ang ipinataw na 90-days suspension sa guro ay hindi isang parusa kundi isang preventive measure upang matiyak na hindi nito maiimpluwensyahan ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kinauukulan sa nasabing kaso.
Kung maalala, una nang kinumpirma ni Antipolo City Police Office Chief PLTCOL Ryan Manongdo na walang kaugnayan ang pagkamatay ni Francis Jay sa naging pananakit sa kaniya ng kaniyang guro.
Bagay na hindi naman matanggap sa ngayon ng naulilang pamilya ng biktima.