Pinagbibitiw sa puwesto ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones at mga opisyal ng kagawaran na nasa likod ng maanomaliyang pagbili ng kontrobersiyal na Self-Learning Modules (SLMs).
Mula kasi aniya nang isiniwalat niya sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara noong Marso 15, 2021 ang tungkol sa kakulangan ng learning modules ay wala man lang ginawang aksyon ang Central Office ng DepEd.
Kung nagkaroon lamang kasi aniya ng adjustment sa opening ng 3rd quarter ng pag-aaral mula Pebrero 15 at ginawa na lamang Marso 22 ay napaghandaan pa sana ng DepEd ang modules ng mga mag-aaral.
Iginiit ni Marcoleta na naging “convenient excuse” na lamang para sa DepEd ang paglalagay sa ilalim ng enhanced community quarantine ang NCR para i-reproduce ang mga naunang modules at gamitin sa 3rd quarter.
Ikinagagalit pa ng kongresista ang plano ng DepEd para sa modules na gagamitin naman sa fourth quarter, na kasalukuyan ay wala pang nakakakuha ng kontrata kahit sa Abril 27 na ang deadline nang bidding.










