Kumpyansang ibinahagi ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Tonisito Umali na handa na ang kanilang kagawaran para sa pagbubukas ng school year 2020-2021 sa Oktubre 5, araw ng Lunes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Usec. Umali, importante umano para sa kanila na kilalanin ang iba’t ibang mahirap na pamamaraan nang pagtuturo at pag-aaral na pinagdadaanan ng mga estudyante at mga guro dahil sa pandemic.
Ayon dito, naipamahagi na nila ang mga self-learning modules (SLM) sa iba’t ibang panig ng mundo na siyang gagamitin sa online learning ng mga mag-aaral.
“Meron akong mga numero rito pero as of September 27 pa ito, eh October 5 na sa Lunes. Meron na tayong 533, 209, 023 million Self Learning Modules (SLMs) distributed na gagamitin ng mga bata sa unang dalawa hanggang apat na linggo ng pasukan ng first quarter,” saad ni Umali.
Ang nabanggit na bilang ay katumbas daw ng 80 percent noon ngunit naniniwala umano ang DepEd na malapit na sa 100 percent ng SLMs ang kanilang naipamigay.
“Humigit kumulang 22.5 million enrollees for our public basic education system and that is 99.68 percent of the exact number that we got for last school year 2019-2020, sa pampublikong paaralan ‘yan. Napakalaking bilang niyan at ‘yan po ‘yung nagpapahayag na kailangan nating gawin lahat ito na nais talaga nilang magpatuloy ang kanilang edukasyon,” wika pa nito.
“Sa private schools naman po nasa 2.16 milyon bagama’t ‘yan ay bahagya lamang ng kalahati ng kabuuang bilang na mayroon tayo dati. Patuloy pa rin nating hinahanap at inaasahan natin na lalaki pa ito kasi baka hindi pa nairereport lahat ng private schools ang kanilang mga enrollees,” dagdag pa ni Umali.
Nakahanda rin aniya ang education sector na i-validate ang datos na kanilang hawak upang tiyakin na walang mahuhuli sa pagsisimula ng klase sa Lunes.
















