-- Advertisements --

Kinumpirma ng kampo ni Vice President Sara Duterte na kasalukuyan siyang nasa The Hague, Netherlands, kasabay ng pagpapatuloy ng ikatlong linggo ng kanyang impeachment trial sa Senado.

Ayon sa kanyang defense team, ipinaalam na sa Bise Presidente ang naging desisyon ng Senate impeachment court na magpalabas ng subpoena para sa kanyang financial records, gayundin sa records ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Sinabi ng tagapagsalita ng defense team na si Atty. Michael Poa na tumugon lamang ang Bise ng, “Okay, you know what to do naman,” bilang tugon sa naturang development.

Nauna nang inanunsyo ng Office of the Vice President (OVP) na nasa ibang bansa si VP Sara mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 31. Ayon sa OVP, personal ang kanyang biyahe sa Europa at walang ginamit na pondo ng gobyerno para rito.

Sinabi rin ng tanggapan ng Bise na makikipagpulong siya sa mga overseas Filipinos sa kanyang pagbisita.

Samantala, kinumpirma ng Palasyo Malacañang na nabigyan si Sara Duterte ng travel authority para sa kanyang personal trips sa Qatar, Germany, United Kingdom, at Northern Ireland.

Hindi ito ang unang pagkakataong pumunta si VP Sara sa The Hague. Ilang beses na rin siyang bumisita roon matapos arestuhin at ikulong ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity.