-- Advertisements --

Mariing pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang publiko na hindi obligadong mag-abono o magbigay ng kontribusyon ang mga guro, mag-aaral, at magulang sa Brigada Eskwela.

Sa pahayag ng DepEd noong Biyernes, Hunyo 5, iginiit ng ahensya ang mahigpit na pagpapatupad ng “No Collection Policy,” na nagbabawal sa sapilitang paniningil o paghingi ng ambag mula sa mga miyembro ng school community.

Ayon sa DepEd, ang Brigada Eskwela ay hindi isang fundraising activity kundi isang “whole-of-community” na inisyatiba na layong ihanda ang mga paaralan para sa nalalapit na pasukan.

Tiniyak din ng kagawaran na patuloy nilang pinalalakas ang suporta sa mga paaralan sa pamamagitan ng School Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), gayundin sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, local government units (LGUs), partners, at mga volunteer.

Samantala, isinagawa ang Brigada Eskwela ngayong taon sa maraming paaralan sa bansa mula Hunyo 1 hanggang 5, bilang paghahanda para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.