Nilinaw ng Department of Education (DepEd) ang nakatakdang transisyon patungo sa trimester school calendar simula sa school year 2026-2027.
Sa isang statement, ipinaliwanag ng Education Department na layunin ng repormang ito na magtuluy-tuloy ang pag-aaral at mabawasan ang madalas na abala sa klase.
Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw kasunod ng kritisimo mula sa education groups.
Subalit, ayon sa DepEd nakabase ang polisiya sa isinagawang malawakang konsulasyon sa iba’t ibang antas mula sa mga guro, lider ng paaralan, mga magulang, mag-aaral hanggang sa mga kinatawan ng publiko at pribadong sektor ng edukasyon.
Binanggit din ng ahensiya ang findings na nagpapakitang aabot hanggang sa 53 mula sa 180 araw ng pasok noong School Year 2023-2024 o katumbas ng tatlong buwang pag-aaral ang nawala dahil sa masamang panahon at iba pang aktibidad na labas sa pagtuturo.
Para matugunan ito, hinati ang bagong school calendar sa structured blocks kabilang ang opening block para sa unang term para sa learner profiling at mga administratibong paghahanda; mas mahabang Instructional Blocks para sa tuluy-tuloy na pagtuturo at pag-aaral at End-of-Term Blocks para sa academic intervention, professional development gayundin para sa wellness ng mga guro at mag-aaral.
Nilinaw din ng DepEd na bahagi ang three-term calendar ng mas malawak na programa para ayusin ang batayang edukasyon sa bansa kabilang ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, pagpapalawak ng school-based feeding program, pagpapaigting ng literacy at learning recovery interventions at iba pa.
















