Hinimok ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang Department of Education (DepEd) na tiyaking magiging ligtas ang ipapatupad na face-to-face classes sa bansa sa susunod na pasukan.
Ito ay matapos na ipahayag ng Marcos Jr. administration ang planong full resumption ng in-person classes sa bansa sa gitna ng pandemya.
Sa isang statement ay sinabi ni ACT Representative France Castro na dapat siguraduhin ng pamahalaan na mayroong sapat na resources ang mga paaralan para sa ligtas na muling pagbabalik eskwela.
Ito ay upang matiyak na patuloy pa rin nasusunod sa loob at labas ng mga silid-aralan mga ipinatutupad na health precautions upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19.
Para makamit aniya ito ay kinakailangan pa ng bansa ng dagdag na mga guro upang masiguro na magkakaroon lamang ng maximum na 35 mga estudyante kada silid-aralan.
Dahilan kung bakit maghahain sila ng resolusyon para sa supplemental budget para sa maintenance at iba pang operating expenses ng mga eskwelahan sa Pilipinas.
Samantala, bukod dito ay nanawagan din si Castro para naman sa employment ng mga dagdag na nurses, utility personnel, at gayundin ang pagbibigay ng health protection and benefits para sa mga guro at non-teaching staff.










