-- Advertisements --
image 279

Umalma ang isang mambabatas kaugnay sa memorandum ng DepEd para burahin ang apelyidong Marcos sa terminong “Diktadurang Marcos” mula sa mga textbooks sa Araling Panlipunan o Social Studies curriculum ng Grade 6.

Noon kasing Setyembre 6, inisyu ang memorandum ng DepEd’s Bureau of Curriculum Development (BCD) kung saan pinapapalitan ang “Diktadurang Marcos” (Marcos Dictatorship) sa “Diktadura” na lamang.

Binatikos naman ito ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro at inihayag na isa umanong malinaw na rebisyon sa kasaysayan at insulto para sa mga hindi mabilang na biktima ng pangaabuso sa karapatang pantao noong panahon ng Martial law ang desisyon ng DepEd na burahin ang apelyido ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. mula sa terminong “Diktadurang Marcos” sa Grade 6 textbook.

Ang natura aniyang hakbang ay isa umanong tahasang pagtatangka na burahin ang mga krimen at kalupitan na ginawa sa ilalim ng kanyang rehimen. Ito rin ay malinaw umano na paglabag sa Republic Act 10368 o Marcos Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 na dapat aniyang malaman ng DepEd.

Binigyang-diin pa ni Castro na sa ilalim ng Section 27 ng RA 10368 ay nag-uutos sa Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa DepED at Commission on Higher Education upang matiyak na ang pagtuturo ng atrocities sa ilalim noon ng Martial Law kabilang ang buhay ng mga biktima ay bahagi ng basic curriculum sa sekondarya at tertiyaryo.

Hindi rin aniya dapat ipagkait sa mga nakababatang henerasyon ang kanilang karapatan na lubos na maunawaan ang konteksto ng kasaysayan at epekto ng batas militar sa ating bansa.

Kaugnay nito, nanawagan ang mambabatas sa DepEd na baligtarin ang desisyon nito at ibalik ang tamang kasaysayan sa panahon ng batas militar sa mga aklat-aralin. Hinimok din ni Castro ang kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang kanyang panawagan.