-- Advertisements --
DILG SEC BENHUR ABALOS JR

Patuloy ang panawagan ng Department of the Interior and Local Government sa mga kinauukulan na makipagtulungan para sa pagtugon sa ilegal na droga na isa sa mga suliraning kinakaharap ngayon ng Pilipinas.

Sa isang pahayag ay ipinaabot ni Interior Undersecretary for Peace and Order Oscar Valenzuela ang panawagan ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga key sectors na kinabibilangan ng mga religious communities, spiritual advisers, advocacies support groups, at force multipliers na makipagtulungan sa pamahalaan para sa mapigilan ang nasabing problema.

Kasabay nito ay nanawagan din aniya si Sec. Abalos sa buong hanay ng kapulisan na ipagpatuloy naman ang mga pagsisikap nito sa pagsugpo sa problema sa ilegal na droga hanggang sa bawat barangay sa buong Pilipinas.

Ito ay bilang bahagi pa rin ng pagpapaigting ng kagawaran sa kampanya nito kontra ilegal na droga alinsunod pa rin sa layunin ng administrasyong Marcos na mag-focus sa prevention at rehabilitation nito kung saan kabilang din sa mga tinitignan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palawigin pa ang pagbibigay ng edukasyon sa mga kabataan hinggil sa masasamang epekto nito sa kanilang buhay at kinabukasan, at gayundin ang pagtulong naman sa mga indibidwal na nalulong na sa nasabing masamang bisyo.

Kung maaalala, noong November 26, 2022 ay nagsagawa ang Department of the Interior and Local Government ng simultaneos grand launching ng Buhay Ingatan, Droga ay Ayawan (BIDA) Program sa buong bansa kasama ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at iba’t-ibang mga local government unit na ginanap naman sa Quezon City Memorial Circle.

Ang naturang aktibidad aniya ay isang senyales nang pagsisimula ng anti-illegal drugs program ng pamahalaan kaakibat ang mga lokal na pamahalaan na magfo-focus naman aniya sa grand demand reduction at rehabilitation sa ilegal na droga sa bawat pamayanan sa buong Pilipinas.