-- Advertisements --
dilg sec abalos x pnp chief azurin

Kumpiyansa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na agad nilang matatapos ang pagtugis sa mga suspek na nasa likod ng kidnapping at human trafficking sa mga dayuhan sa bansa.

Ito ay matapos ang kamakailan lang na pagrescue ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group sa 43 ng mga chinese nationals na umano’y biktima ng human trafficking.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines sa pulong balitaan sa Camp Crame ay sinabi DILG Sec. Benhur Abalos na tiwala siyang hindi na aabutin pa ng buwan bago nila matugunan ang matagal na nilang sakit sa ulo na ito.

Ngunit kasabay nito ay inamin ng kalihim na kinakailangan nila ng sama-samang tulong mula sa mga lokal na pamahalaan hanggang sa iba’t-iba pang ahensya ng gobyerno.

Aniya, ang pakikipag-usap nila ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI), kasama rin ang ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay layuning makabuo ng sistema bilang bahagi ng kanilang pag-aksyon sa naturang problema.

Sinabi rin ni Abalos na hihingi siya reportorial requirements para malaman ang detalye ng mga empleyadong nagtatrabaho sa POGO.

Bukod dito ay ibinahagi rin niya na kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa Chinese Embassy sa Pilipinas upang matalakay ang mga usapin tungkol sa nasabing isyu.

Samantala, hinikayat din ni Abalos ang publiko na magkaroon ng tiwala sa pulisya at huwag matakot na agad na isumplong sa kanila ang ganitong klase ng mga krimen para naman agad nila ito maaksyunan at patunay na nga rito ang naging pag-rescue nila sa mahigit 40 mga chinese nationals na biktima ng kidnapping at human trafficking.