-- Advertisements --
DOJ

Tiniyak ng Department of Justice na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makumpleto ang imbestigasyon sa pananagutan ng ilang miyembro ng pulisya sa tinawag na “Bloody Sunday” raids na nangyari noong 2021 na nagresulta sa pagkasawi ng 9 na aktibista sa Calabarzon region at sa drug war operations ng nagdaang administrasyon.

Ito ang pagtitiyak ni Davao de Oro Rep. Ruwel Peter Gonzaga bilang sponsor sa isinagawang plenary debates sa proposes 2023 budget ng DOJ sa House of Representatives.

Paliwanag ni Gonzaga na mayroon ng mga kasong naisampa as of August 30, 2022 kaugnay sa bloody Sunday na nangyari sa lalawigan ng Rizal habang naihain na rin ang kasong NBI-Rosenda Limita vs. Lt. Col. Joseph Tan Nando et al. na mayroon namang halos 20 respondents.

Sa ngayon ang status aniya ng kaso ay nasa prosecution offie na para sa preliminary investigation.

Tiniyak pa ni Gonzaga sa Kamara na maghahain ng kaso ang prosecutors sakaling mapatunayang may probable cause ang naturang complaints.

Pagdating naman sa pag-iimbestiga sa drug war, sinabi ni Gonzaga na puspusan din ang pagsasampa ng kaso ng DOJ laban sa mga police officer na akusado sa pagpatay sa drug suspects.