-- Advertisements --
jesus remulla

Tila bumuwelta ngayon si Department of Justice (DoJ) Sec. Jesus Crispin Remulla sa International Criminal Court (ICC) matapos ang muling pagbubukas nito sa imbestigasyon sa drug war noong nakaraang administrasyon.

Sinabi ni Remulla na kapag mayroon daw hawak na ebidensiya ang International Criminal Court kaugnay ng mga patayan sa bansa sa kasagsagan ng kampayang laban sa iligal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay mas maiging ibahagi na lamang ito sa bansa.

Muli ring binigyang diin ni Remulla na gumagana at mayroong sariling korte ang Pilipinas kaya’t hindi kailangang panghimasukan ng International court ang isinasagawang imbestigasyon ng Pililipinas sa mga hinihinalang namatay dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa iligal na droga.

Aniya, kung mayroon daw gustong usigin ang International court ay ipakita nila ang ebidensiya at ang bansa ang uusig dito dahil ang Pilipinas naman ang mayroong responsibilidad dito.

Itinanggi rin ni Remulla na pinoprotektahan nito si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Isinalarawan naman ni Remulla na irritant, stressing at hindi rin umano welcome ang muling pagbubukas ng imbestigasyon sa drug war ng bansa.

Kung maalala, noong 2019 ay nag-withdraw ang Pilipinas sa Rome Statute na nagtatag sa International Criminal Court (ICC).

Sa kasalukuyang administrasyon, sinabi naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na wala raw intensiyon ang bansa na muling sumali sa ICC.

Noong Sabado, ipinagkibit-balikat lamang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) na magpatuloy sa preliminary investigation sa kanyang war on drugs.

Kasunod na rin ito ng pagbibigay ng International Criminal Court (ICC) ng green light kay prosecutor Karim Khan na muling buksan ang pagsisiyasat sa mga posibleng pag-abuso sa karapatan at krimen laban sa sangkatauhan na ginawa sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ng dating tagapagsalita ng Palasyo na si Atty. Harry Roque na iginiit ni Duterte na hindi kailanman papayagan ang mga dayuhan na mag-imbestiga laban sa kanya dahil mayroon pa namang gumaganang korte sa Pilipinas.

Tiniyak naman ng dating pangulo na handa itong humarap sa ano mang hukuman sa bansa.

Dagdag pa ng dating pangulo na hindi kailanman ito magpapausig sa ano mang foreign body dahil ito ay isang insulto sa kakayahan at impartiality ng ating criminal justice system.

Paulit-ulit na hinimok ni Duterte ang mga umano’y biktima ng war on drugs ng kanyang administrasyon na magsampa ng kaso sa korte ng Pilipinas.

Ayon kay Roque, pag-aaksaya ng oras at resources para sa International Criminal Court (ICC) ang pagpapatuloy ng imbestigasyon.