Dumipensa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa hindi muna nila pagbibigay ng detalye kaugnay ng pakikipag-ugnayan nila sa ibang bansa para masolusyunan na ang paglaganap ng scam text messages.
Ayon kay DICT Sec. Ivan John Uy, ito ay para hindi raw makompromiso ng mga scammers ang kanilang hakbang.
Maliban dito, ilan daw kasi sa mga operators ay matatagpuan sa mga bansa kung saan sila nakikipag-ugnayan.
Pero nangako naman ang DICT na tuloy-tuloy lamang ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang bansa para sa naturang isyu na nakakaapekto sa maraming mga Pinoy.
Kung maalala, naging laganap ang pagpapadala sa mga personalized scam text messages sa ating bansa.
Aminado dito ang National Privacy Commission (NPC) na hirap ang ating bansa na tukuyin ang source of information.
Noong buwan ng Hunyo, sinimulan na rin ng mga Telco firms ang pag-block sa milyong “smishing” messages, o ang pagpapadala ng mga text messages ng mga scammers na nagpapanggap na legitimate organizations para makakuha ng personal information ng mga users.
Sa ngayon, tuloy-tuloy din ang pakikipag-ugnayan ng Cybercrime Investigation Coordinating Center sa Philippine National Police (PNP) Cybercrime Group, National Bureau of Investigation (NBI) at National Telecommunications Commission (NTC) para sa naturang isyu.
Ang mga cybercriminals daw kasi ay sinasamantala ang mga biktima sa pamamagitan ng pagkuha lamang ng maliit na halaga para hindi na mag-aabala pa ang mga biktimang magsampa ng kaso.
Ngayong araw, nakatakdang pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ang SIM Card Registration Act na nagre-require sa lahat ng users na mag-register sa mga public telecommunications entities.