-- Advertisements --
DOH office

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 332 pang karagdagang COVID-19 infections na may aktibong kaso na kasalukuyang nasa 11,856.

Batay sa COVID-19 tracker ng DOH, ang mga bagong impeksyon na ito ay naglagay sa COVID-19 caseload sa mahigit 4 million sa buong bansa, na may 3.9 million na nakarekover at 65,598 na nasawi.

Ang mga bagong kaso na ito ay mas mababa kaysa sa 447 average na impeksyon na naitala noong nakaraang linggo, Enero 2 hanggang 8.

Dagdag dito, nangunguna pa rin ang Metro Manila sa listahan ng mga rehiyon na may pinakamaraming kaso sa nakalipas na dalawang linggo na may 2,092 na kaso, sinundan ng Calabarzon na may 1,035 at Central Luzon na may 516.

Samantala, may kabuuang 10,966 na COVID-19 test ang isinagawa noong Lunes, na magpapakita sa bilang ng mga kaso na nairehistro ngayong araw.

Nauna nang binalaan ng DOH ang publiko na maaaring umabot sa humigit-kumulang 700 ang mga kaso sa araw-araw sa darating na Pebrero 15 kung patuloy na babawasan ang minimum public health standards o kapag mas maraming variant ng COVID-19 ang pumasok sa bansa.