Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa pagbabakuna kontra covid-19 kalakip ng pagsunod sa mga health at safety protocols bilang pinakamahusay pa ring depensa laban sa COVID-19 virus.
Inisyu ng DOH ang naturang paalala kasunod ng pagka-kadetect ng Omicron subvariant XBB at XBC variant sa bansa.
Ayon sa DOH na nananatiling epektibo ang mga bakuna para mapigilan ang severe at critical covid-19 gayundin ang kamatayan mula sa virus kahit ano pa ang variant.
Pinunto pa ng DOH na higit na mahalaga din ang covid-19 vaccination para sa immunocompromised individuals at sa mga matatanda dahil sila ay vulnerable sa viral disease.
Ayon pa sa DOH na kusang sisibol ang bagong mga variants ng covid-19 at patuloy ang transmission nito at ang magagawa natin ay limitahan ang hawaan ng covid19 upang mapigilan ang pagsibol nito.
Kayat ang pagsunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng facemask, isolation, maayos na bentilasyon at paghuhugas ng kamay ang mahalagang hakbang para malimitahan ang hawaan ng sakit.
Tiniyak naman ng DOH ang surveillance at monitoring activities para matiyak na agad na matugunan ang banta ng posibleng outbreaks.
Inulat naman ng DOH na nananatiling nasa low risk pa rin ang healthcare utilization sa bansa at inihahanda na rin ang preparatory activities para matiyak na ang triage systems ay nakalatag na at available ang mga health facilities sakaling maobserbahan ang pagtaas sa healthcare utilization rates.