Inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na nakatakdang tumanggap ng karagdagang 720,000 doses ng pediatric Pfizer vaccines ang bansa mula sa gobyerno ng Australia sa pamamagitan ng suporta ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF).
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na darating ang 720,000 doses sa loob ng parehong linggo upang makumpleto ang tatlong milyong pediatric Pfizer vaccine doses.
Ang Pilipinas ay kasalukuyang nakatanggap ng 2,280,000 doses ng pediatric Pfizer vaccines mula sa Australian government.
Sinabi ng Health Department na ito ay bahagi ng anim na milyong kabuuang pediatric Pfizer vaccine doses na ido-donate sa Pilipinas sa pagtatapos ng taong ito bilang suporta sa COVID-19 recovery dahil ang mga bata ay nagsimula na ngayong bumalik sa paaralan.
Idinagdag pa ng kagawaran na tumulong din ang gobyerno ng Australia para sanayin ang 490 health staff sa cold chain management at nagbigay ng public health messaging sa walong milyong tao sa 14 na local government units upang mapabuti ang paggamit ng mga bakuna sa COVID-19.
Pinasalamatan naman ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang UNICEF at ang gobyerno ng Australia sa kanilang suporta.