-- Advertisements --

Iminungkahi ng Department of Health (DOH) na magsagawa muna ng pilot test para sa planong gawing optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa indoor places upang maayos na masuri kung handa na ang health system ng bansa.

Ayon kay DOH officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire, nais sana ng kagawaran na dahan-dahan lang muna o mag-pilot test sa buwan ng Nobiyembre sa optional na pagsusuot ng facemask kung saan ang National Capital Region ay kabilang sa mga lugar na kanilang iminungkahi dahil mataas ang bilang ng nagpabakuna na ng booster at may manageable na sistema.

Subalit inamin ng DOH official na nais na ng ibang sektor na gawin ng optional ang pagsusuot ng face mask sa indoor sa buong bansa.

Bagamat hindi pinaburan ang posisyon ng DOH, iginagalang pa rin ng ahensiya ang naging desiayon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) bilang isang collegial body.

Ang IATF ay ang policy-making body sa pagtugon ng covid-19 pandemic sa bansa.

Sa kabila nito, napagkasunduan naman aniya na panatilihin pa rin ang pagsusuot ng face mask sa mga healthcare facilities at public transportation.

Patuloy pa rin na hinihikayat ang mga vulnerable population, na kinabibilangan ng mga matatanda, mga taong may comorbidities, at mga hindi pa nabakunahan na magsuot pa rin ng face mask.

Nilinaw din ni Vergeire na ang opsyonal na pagsusuot ng face mask sa indoor setting ay hindi pa ipinapatupad habang inaantay pa ang executive order na inaasahan ilalabas sa mga susunod na araw.

Top