-- Advertisements --
image 158

Patuloy daw ang monitoring ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kalagayan ng mga Pinoy na napaulat na stranded sa Peru.

Kasama raw ang mga Pilipino sa daan-daang foreign tourists na stranded sa Peru kasunod ng pagpapabagsak kay dating President Pedro Castillo na naging dahilan ng malawakang protesta na nakaapekto sa public transportation at flights sa naturang bansa.

Partikular na naapektuhan daw ang mga Pinoy na nasa Machu Picchu dahil sa pagpapasara sa paliparan sa Cusco.

Sinabi naman ng Philippine Embassy sa Chile na siyang mayroong hurisdiksyon sa mga Pinoy sa Peru na kasalukuyan na raw nilang iniimbestigahan ang mga lumabas na balita.

Maliban dito, ay nakikipag-ugnayan na rin daw ang mga ito sa Filipino community sa naturang bansa sa pamamagitan ng Philippine Honorary Consulate sa Lima.

Una rito, sa isang advisory inabisuhan naman ng Embassy ang lahat ng mga Pilipino sa Peru na manatili sa kanilang mga bahay at iwasan ang pagpunta sa mga matataong lugar maging ang pagbiyahe kung hindi naman kinakailangan.

Base sa data ng pamahalaan, nasa 160 overseas Filipinos ang naninirahan at nagtatrabaho ngayon sa Peru.

Kung maalala, nagdeklara ang Peru ng state of emergency matapos ang kaliwa’t kanang protesta sa naturang bansa matapos maaresto si Castillo.

Nagtungo sa lansangan ang mga supporters ni Castillo para ipanawagan ang pagpapalaya sa kanya.

Si Castillo ay nakaditine dahil sa rebellion at pinalitan ito ni Dina Boluarte matapos nitong subukanjg i-dissolve ang kanilang Kongreso.