-- Advertisements --
BAWANG SIBUYAS PALENGKE MERKADO 1

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na tuloy-tuloy ang kanilang pagtulong sa mga magsasaka ng bawang partikular sa lalawigan ng Batanes.

Ito ay para maihatid ang mga ani nila sa merkado sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng kagawaran sa agribusiness.

Patunay dito ang paghahatid ng nasa 600 kilo ng bawang ng Itbayat Garlic Producers Association na naihatid na DA at ng KADIWA truck nito sa DA KADIWA Center sa Quezon City.

Kung saan nakuha agad ng mga institutional buyers ang mga nasabing bawang na kanilang in-order sa pamamagitan ng DA-Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) sa halagang ₱78,000.

Nauna na ring natulungan ng DA-AMAS ang iba’t ibang kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka para sa paghahatid ng nasa 700 kilo naman ng bawang mula Pebrero hanggang Hulyo 2022.

Samantala, inaanyayahan ng DA-AMAS na makipag-ugnayan sa kanila ang mga interesadong grupo ng prodyusers, buyers, at partners sa alok nitong serbisyo tulad ng market linkage at product promotion para sa pagpapaunlad ng kani-kanilang agribusiness.