ILOILO CITY – Excited na ang Ilonggo boxer na si Denver “The Excitement” Cuello sa muli nitong pagsabak sa ibabaw ng boxing ring kung saan makakalaban nito ang Indonesian fighter na si Jack Amisa para sa bakanteng Asian Boxing Federation (ABF) flyweight championship.

Gaganapin ang laban alas-9:00 mamayang gabi sa Angono Rizal Gymnasium.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Cuello na tubong Barangay Tuy-an Cabatuan, Iloilo, sinabi nito na labis ang kanyang pasasalamat sa Diyos dahil matapos ang apat na taon ay nabigyan ito ng lakas para muling lumaban sa ibabaw ng ring.

Ayon sa dating WBC silver minimumweight champion, ang kanyang laban mamaya ay ang main event ng “Return of the Champions.”

Nanawagan din si Cuello sa kanyang mga kababayan na tulungan siyang magdasal upang makuha nito ang panalo.

Napag-alaman na si Cuello ay may 36-5-6 win-loss-draw record kabilang dito ang 24 stoppage wins, habang si Amisa naman ay may 21-45-2 win-loss-draw record at may 14 knockout victories.