Magpapatupad ng pagbabago ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga polisiya sa dolomite beach matapos na ilang libong katao ang bumisita sa lugar sa mga nakalipas na araw.
Ayon kay Environment Undersecretary Jonas Leones, nang binuksan ang dolomite beach sa publiko noong Oktubre 16, nasa 8,000 katao ang nagpunta.
Kinabukasan, umakyat ang bilang na ito sa 25,000 at noong Sabado, Oktubre 23, ay pumalo na ito sa mahigit 50,000.
Aminado si Leones na hindi nila inasahan ang ganitong sitwasyon kaya magpapatupad sila nang adjustments sa mga umiiral na polisiya.
Iginiit ni Leones na 10,000 bisita lamang ang carrying capacity ng dolomite beach.
Dahil sa pagdagsa ng maraming tao sa mga nakalipas na araw, sinabi ng opisyal na plano nilang magpatupad ng one-day shutdowns para sa maintenance works.
Isa rin sa mga kinukonsidera nila na kada 15 minuto ay papaalisin nila ang mga nasa dolomite beach para ma-accomodate naman ang mga nakapila pang iba sa labas.
Samantala, nanawagan naman si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa DENR at DILG na i-regulate na ang pagbisita na dolomite beach dahil ipinagbabawal pa rin sa ngayon ang mass gathering.