Itinanggi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga alegasyon na gumamit ito ng pesticide gas laban sa mga ralyista matapos magsagawa ng protesta sa harap ng kanilang tanggapan sa Quezon City.
Ayon sa ahensya, ang mist na nakita sa lugar ay mula sa kanilang regular na defogging activity tuwing Linggo at hindi ito ginamit para paalisin ang mga nagpo-protesta.
Sumusunod lang daw sila sa workplace hygiene standards at hindi gumamit ng kemikal para sa crowd control.
Nauna rito, inakusahan ng ilang progresibong grupo mula Southern Tagalog ang DENR na nagpakawala umano ng pesticide habang nagsasagawa sila ng protesta sa Visayas Avenue nitong Hulyo 26 bilang bahagi ng kanilang caravan bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tutol sila sa ilang proyekto at polisiya ng pamahalaan na para sa kanila ay nakapipinsala sa kalikasan, partikular sa mga kabundukan, at nagdudulot ng paglikas ng ilang komunidad.
Tinuligsa rin nila ang tinatawag nilang “pekeng kaunlaran” o mga proyektong ayon sa kanila ay mas nakikinabang ang malalaking negosyante at interes ng mga dayuhan.
Sa kabila ng umano nilang reklamo tungkol sa mist, itinuloy ng mga nagprotesta ang kanilang programa, kabilang ang pagpapakalbo na sumisimbulo bilang pagpapakita ng pagtutol sa pagkasira sa mga kagubatan.
















