-- Advertisements --

Tumaas ng hanggang 90 porsyento o katumbas ng 64,797 ang naitalang kaso ng mga dinapuan ng dengue ngayong taon mula Enero hanggang Hunyo 25 kumpara sa kaparehong period noong nakalipas na taon.

Batay sa datos mula sa National Dengue Data ng Department of Health (DOH), nasa kabuuang 34,074 kaso ng dengue ang naitala mula Enero hanggang June 25 noong nakalipas na taon.

Ayon sa DOH, nasa 274 katao na dinapuan ng dengue ang namatay sa bansa ngayong taon o katumbas ng 0.4% case fatality rate.

Nakapagtala din ang DOH ng 21,115 dengue cases mula May 29 hanggang June 25 lamang ng kasalukuyang taon.

Sa naturang bilang, 18% o 3,902 dengue cases ang naitala sa Central Luzon, sinundan ng 2,316 cases (11%) sa Central Visayas at 1,997 cases (9%) sa National Capital Region.

Karamihan sa mga kaso ng dengue o 15% ay naitala sa central Luzon na may 9,426 cases, sinundan ito ng Central Visayas na may 7,741 cases (12%) at Zamboanga Peninsula na may 5,684 cases (9%).

Nauna ng inihayag ni Heatth USec Maria Rosario Vergeire na ang pagtaas ng bilang ng dinadapuan ng dengue sa bansa ay nakakabahala dahil sa ilang mga indibidwal ang na-admit na sa ospital.

Subalit paliwanag naman ni Vergeire na ang sakit na dengue ay endemic na sa ating bansa na nangangahulugan na tumataas talaga ang mga kaso ng dengue lalo na sa ganitong mga buwan na rainy season.

Patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko para mapanatiling protektado kontra sa dengue kabilang ang pagsira sa mga pinamumugaran ng lamok, pagkakaroon ng self-protection, maagap na pagkonsulta sakaling nakakramdam ng sintomas at pagsasagawa ng fogging sa hotspot areas lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.