-- Advertisements --

DAVAO CITY – Umabot na sa limang indibidwal mula Enero hanggang Hunyo nitong taon ang namatay sa lungsod ng Davao dahil sa Dengue.

Dahil sa sunod-sunod na mga pag-ulan, muling nananawagan ngayon ang Tropical Disease Unit ng City Health Office (CHO) sa mga dabawenyo na ugaliin ang paglilinis ng paligid.

Ayon kay Beth Banzon, head ng Tropical Division ng CHO, ang natalang mga kaso ang mula sa Barangay 76-A, Barangay Agdao, Matina Aplaya, Sasa , at Matina Pangi.

Mula Enero hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 951 ang mga kasong natala ng ahensya kung saan mas mataas pa ito kumpara noong nakaraang tao na nasa 921 na mga kaso lamang .

Dahil dito, nagpapatuloy ang pagsasagawa ng ahensya ng mahigpit na pagmonitor sa mga dengue cases lalo na at malapit na itong umabot sa isang libo.

Nanawagan na lamang ang opisyal sa publiko na sirain ang breeding site ng mga lamok, linisan ang paligid at suportahan ang isasagawang fogging ng lokal na pamahalaan.