-- Advertisements --
viber image 2023 09 28 14 02 39 072

Nag-convene ang kauna-unahang subcommittee on maritime cooperation na binubuo ng mga deleasyon mula sa Pilipinas at European Union (EU) sa gitna ng agresibong aksiyon ng China sa pinagtatalunang karagatan kung saan parte nito ay ang West PH Sea.

Pinangunahan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Maritime and Oceans Affairs Office Assistant Secretary Maria Angela Ponce ang delegasyon ng PH habang si Paola Pampaloni, Acting Managing Director for Asia and the Pacific at the European External Action Service (EEAS) ang nanguna sa panig ng EU.

Ang pagpupulong na ito ay matapos na magkasundo ang Pilipinas at 27 miyembro ng regional bloc noong Hulyo ngayong taon na bumuo sa naturang subcommittee sa gitna ng pangamba sa unilateral actions na mapanganib sa kapayapaan sa Indo-Pacific.

Sa kasagsagan ng pagpupulong ng dalawang panig sa Brussels, muling pinagtibay ang cokmitment para sa pagpapalakas ng bilateral maritime cooperation gayundin ang kooperasyon sa multilateral at regional forums at organizations kabilang ang ASEAN.

Binigyang diin din ang kahalagahan ng paggalang sa lahat ng karapatan alinsunod sa international law partikular na sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at dispute settlement mecahnisms.

Napahayag din ang PH at EU kaugnay sa unilateral actions na naglalagay sa panganib sa kapayapaan, seguridad at istabilidad at rules-based intenrational order kabilang na dito ang isyu sa loob ng exclusive economic zone ng PH gaya ng pagkasira ng seabed at marine environment na nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino at sa food security ng bansa.

Kaugnay nito, isinulong ng PH at Eu ang non-militarization at pagtitimpi sa sarili sa paggawa ng lahat ng aktibidad ng mga claimant at iba pang bansa na nakakapagpalala pa ng sitwasyon at tensiyon sa rehiyon.