Asahan na makakabawi ang pamahalaan sa vaccination program nito ngayong linggo sa pagdating ng marami pang supply ng bakuna sa Pilipinas.
Pagtitiyak ito ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. makalipas na ma-delay ang deliveries ng mga COVID-19 vaccines sa mga nakalipas na linggo na siyang dahilan para bumagal ang vaccination program.
Hanggang noong Hulyo 11, napag-alaman na kabuuang 13,196,292 doses na ang naituturok sa buong bansa.
Sa naturang bilang, 9,669,940 indibidwal ang nakatanggap na ng first dose habang 3,526,342 namana ng fully vaccinated na makalipas na maturukan ng dalawang doses ng COVID-19 vaccines.
Kamakailan lang, ilang local government units, partikular na sa Metro Manila, ang itinigil ang kanilang vaccination program bunsod ng delay sa deliveries ng Sinovac at Sputnik V vaccines mula sa China at Russia.
Makikita ito sa vaccination throughput data na naitala noong Hulyo 1 hanggang Hulyo 7 kung saan 1,786,073 doses lamang ang naiturok, habang ang vaccination throughput naman mula Hulyo 8 hanggang 11 ay pumalo lamang sa 74,000 hanggagn 239,000 doses.
Ngayong buwan, sinabi ni Galvez na nasa 14 million doses ng COVID-19 vaccines ang ide-deliver sa bansa.
Ang mga ito ay Sinovac, Sputnik V, AstraZeneca, Moderna, at ang kauna-unahang shipment sa bansa ng single-dose vaccine na gawa ng Johnson and Johnson (J&J).