Pinaiimbestigahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang umano’y delay sa pagbibigay nang compensation ng media at production workers sa ilalim ng TV project ng Department of Education (DepEd).
Sa paghahain nila ng kanilang House Resolution 1662, sinabi ng mga mambabatas na nais din nilang silipin ng House Committee on Labor and Employment ang umano’y mga paglabag sa labor standards sa ilalim ng TV Project ng kagawaran.
Nakasaad sa resolusyon na kinuha ng DepEd ang Ei2 Tech, isang production firm na pagmamay-ari ng TV host na si Paolo Bediones, para sa pag-produce ng TV episodes sa distance learning scheme ng kagawaran sa harap ng pagbabawal sa face-to-face classes.
Base sa impormasyon mula sa media workers’ rights watchdog Buhay Media, mayroong 30 teams sa ulalim ng TV Project ng DepEd.
Nasa 20 ang executive producers na nakatoka sa teams ng mga editors, graphic artists, illustrators at teachers sa paggawa ng mga episodes.
Ayon sa Makabayan Bloc, karamihan sa kanila ay pinangakuan nang buwanang bayad pero kalaunan ay sinabihan na per episode na lamang ang bayad sa kanila.
Ang mga executive producers ay pinangakuan ng P60,000 na buwanang sahod para sa kanilang production work dahil inaasahan silang makapagbigay ng 16 episodes kada buwan.
Sinabi ng Makabayan bloc na makailang ulit nang umapela dati pa ang mga apektadong manggagawa na silipin ang sitwasyon nila.