Kapwa binatikos nina Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima si Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y pag-iwas nito sa mga pagdinig ng Kamara kaugnay ng impeachment proceedings.
Sa kanyang pahayag sa X, sinabi ni Cendaña na hindi na umano nakakagulat ang hindi pagharap ng Bise Presidente.
“Hindi nakakapagtaka. Expected na ‘yan. Korap lang ang ayaw humarap,” ani Cendaña.
Samantala, tinuligsa rin ni De Lima ang tila pagbabago ng tindig ni Duterte, lalo na sa mga naging pahayag nito noon.
“May pa-‘bloodbath, bloodbath’ pang sinasabi noon. Sa simpleng committee hearing nga ay takot na takot ngayon,” ayon kay De Lima sa hiwalay na post.
Hinimok din ni De Lima ang Supreme Court na huwag umanong payagan ang mga hakbang na sa tingin niya ay ginagamit upang makaiwas sa pananagutan.
“Hindi dapat pumayag ang Korte na palagi na lang silang ginagawang takbuhan ni Sara sa pag-iwas niya sa pananagutan sa batas,” dagdag pa ni De Lima.
Iginiit din ni De Lima na ang pagsisimula ng impeachment proceedings ay nasa kapangyarihan ng House of Representatives.
“Ang initiation ng impeachment case, kabilang ang mga pagdinig sa Committee of Justice, ay eksklusibong saklaw ng Kamara. Kapag iginagalang ito, iginagalang din natin ang prinsipyo ng separation of powers,” paliwanag ni De Lima.
Bagama’t hindi pa niya nababasa ang buong petisyon na inihain sa Korte Suprema, sinabi ni De Lima na ang naturang hakbang ay nagdudulot ng mga katanungan.
“Anuman ang kanilang argumento, malinaw na nagpapakita ito ng desperasyon upang makaiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng hindi pagharap sa impeachment proceedings,” ani De Lima.
Nag-ugat ang mga pahayag sa patuloy na pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment case laban kay Duterte, kung saan sinusuri ng mga mambabatas ang mga ebidensya upang matukoy kung may sapat na batayan para iakyat ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
















