Sinigurado ng Department of Management (DBM) na sapat ang pondong nakalaan para sa iba’t ibang programa ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa DBM, DepEd ang makakakuha ng pinakamalaking alokasyon kumpara sa iba pang ahensya ng gobyerno.
Tumaas ng 18 percent ang dating budget na inilaan sa education department noong fiscal year 2020 General Appropriations Act (GAA). Mula kasi sa P510 billion, ngayon ay nasa P606.5 billion na ang budget para sa DepEd.
Ang halagang ito aniya ay sapat na para gamitin panggastos ng naturang departamento.
P24.1 billion ay para sa probisyon at pagpapanatili ng Basic Education Facilities, P16.07 billion naman ay para sa development at reproduction ng learning sources sa ilalim ng Learning Community Plan (LCP), at P26.27 billion ay ilalaan para sa Education Service Contracting ng mga Junior High School at Senior High School Voucher Programs.
Una nang sinabi ni DepEd Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla na P1.1 trillion ang initial proposed budget na ipinasa ng DepEd ngunit tinapyasan ito ng DBM.
Hindi rin kasama sa naturang halaga ang P25.8 billion na pondo para sa karagdagang programs at proyekto ng DepEd.
Paliwanag ng DBM, mayroon namang halos P25 billion unprogrammed appropriations upang suportahan ang mga voucher programs, Last Mile Schools Program, at maging ang pagpapanatili ng mga heritage schools.
Batay sa P4.5-trillion budget summary ng DBM, ang education sector — DepEd, state colleges at universities, CHED, at TESDA — ang nakatanggap ng pinakamalaking pondo na aabot sa P754.4 billion.