Nagbabala ang Department of Budget and Management (DBM) sa publiko tungkol sa mga fixer at mga manlolokong indibidwal na nagkukunwaring mga opisyal at kawani ng gobyerno.
Ayon sa DBM, dapat maging maingat, mapanuri at mapagmatyag ang publiko hinggil sa mga ganitong modus.
Gawain ng mga fixer na mangako ng mabilis at siguradong transaksiyon kapalit ng pera bilang bayad sa inilalakad na dokumento o proseso sa ginagamit nila na ahensya.
Umapela rin ang DBM sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) na mas palakasin pa ang paglulunsad ng mga operasyon upang mahuli ang mga fixer at manloloko na kaugnay sa mga ilegal na gawain.
Naninindigan ang DBM sa integridad at katapatan ng mga proseso at transaksyon nito na maingat na sumusunod sa umiiral na mga batas, alituntunin at regulasyon, lalung-lalo na sa pagpapalabas ng pondo ng taumbayan.
Sinabi ng DBM, makikipagtransaksyon lamang sa mga local chief executive ng bawat local na pamahalaan sa layong maiwasan ang maling representasyon ng mga scammer, middlemen, fraudulent individuals, o organized groups.
Binigyang-diin ng DBM na hindi nito kinukunsinti at hindi kailanman magbibigay ng awtorisasyon sa kahit sinong indibidwal o grupo para humingi ng pera, goods o pabor kapalit ng pinabibilis na mga transaksyon, dahil malinaw itong paglabag sa batas at may katapat na parusa.