-- Advertisements --

DAVAO CITY – Mas hihigpitan pa at istriktong ipapatupad ni Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte ang implementasyon ng liquor ban dito sa lungsod ng Davao matapos ang nangyaring shooting incident sa isang bar sa may corner V. Mapa at Tavera nitong lungsod noong madaling araw ng Sabado.

Kung saan ikinamatay ito ng isang 21 anyos na estudyante matapos na masangkot sa nangyaring rambolan sa labas ng bar alas 12:50 ng madaling araw, Hulyo 2.

Ang biktima ay kinilalang si Amir Pulanon Mangacop, 21 anyos, pansamantalang nakatira sa Bacaca, Barangay 19-B at taga Cotabato City. Habang ang suspek naman ay kinilalang si Marvin Rey Andrew Pepino, 31 anyos, isang doktor at NUP ng PRO XI.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Pedro Police Station, may nangyaring riot na kinabibilangan ng grupo ng mga kabataan at isang Non Uniform Police kung saan parehong naka-inom.

Napag-alamang bumunot ang suspek na si Marvin ng kanyang baril at binaril si Mangacop kung saan natamaan ito sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan.

Sinubukan pang dalhin si Mangacop sa Davao Doctors Hospital sakay ng Mobile Patrol Unit ngunit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Habang nasa kustodiya na ng San Pedro Police Station ang suspek. Ngayong araw, magsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa suspek.

Sa kabilang banda, sinabi ni Mayor Baste Duterte na kung mas istriktong ipapatupad ang Liquor Ban dito sa lungsod ng Davao, maiiwasan na maulit pa ang ganitong insidente.