ROXAS CITY – Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang dating preso matapos muli na namang mahuli sa ikinasang drug buybust operation ng mga kasapi ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Roxas City PNP sa Barangay Tanque, Roxas City.
Kinilala ang naaresto na si Kirste Imam, 29 anyos at residente rin ng naturang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa tagapagsalita ng Roxas City PNP na si Police Master Sergeant Ramil Arcangeles, inihayag nito na dati nang naaresto ang suspek sa isang drug buybust operation ngunit nakalaya sa pamamagitan ng plea bargaining agreement.
Matapos na-monitor na bumalik ito sa kaniyang ilegal na aktibidad ay muling isinailalim ng mga otoridad sa monitoring ang suspek bago ikinasa ang operasyon.
Narekober sa suspek ang 5 sachets ng shabu, P1,000 na marked money at cellphone.
Mariin namang itinanggi ng suspek na sa kaniyang ang naturang mga droga at nagulat lamang umano ito nang pinasok ng mga pulis ang kanilang bahay.